12 April 2020
Para sa Advisory No. 16, nais pong ibahagi ng Philippine Mission ang sumusunod na salaysay ng isang kababayan sa Geneva na nagkaroon ng COVID-19.
Ako si Tandy Almirol, Pilipino, 42 taong gulang, residente ng Geneva, at isa sa confirmed case ng COVID-19 sa Switzerland. Ito ang aking naging karanasan:
Marso 17, 2020, Martes: Wala akong lagnat pero ilang araw na akong nakakaramdam ng pananakit ng katawan (muscle and joint pains). May kapatid ako na masama rin ang pakiramdam at namamaga ang lalamunan. Dahil hinihinala niyang COVID-19 ang dahilan, nagpunta kami sa Hôpitaux Universitaires de Genève (HUG) ng 10:30PM. Kinailangan daw naming bumalik kinabukasan para sa COVID test.
Marso 18, Miyerkules: Masakit pa rin ang katawan ko at nanghihina. Nagtungo muli kami sa ospital ng 8:40AM. Nagdesisyon akong sumabay sa kapatid ko na magpa-test. May malaking tent sa gilid ng ospital kung saan ginagawa ang test. May apat na steps. Step 1: Mag-fill up ng form. Step 2: Basic medical checkup (temperature, medical history, etc.). Step 3: Administration (ia-assess ng ospital ang kalagayan base sa nakuhang impormasyon).
Pagdating ng Step 3, na-rule out ang sintomas ng kapatid ko at sinabihan siya na kailangan lang magpahinga. Dapat daw bumalik kapag lumala ang kondisyon.
Umabot ako sa Step 4: Swab test. Kinunan ako ng specimen mula sa ilong. May mahabang parang cotton buds na pinasok. Medyo masakit. Pagkatapos, inabutan ako ng doctor ng handout na may pamagat na “Home-care for patients with suspected novel coronavirus 2019 infection pending laboratory test results.” Tatawagan daw ako ng ospital para sa resulta sa loob ng 48 oras. Sa pagkagulat, nagtawanan kami ng kapatid ko dahil imbes na siya, ako pala ang posibleng mag-positive sa COVID-19.
Marso 19, Huwebes: Nagkalagnat ako ng 39.2 degrees. Mas masakit ang kasu-kasuan at pagod kahit nakahiga lamang. Nag-umpisa na rin ang mala-migraine na pananakit ng aking ulo. Hiniwalay na naming lahat ang aking mga gamit, tulugan, kubyertos at iba pa, sa pangambang posibleng may COVID ako. In-assume ko na positibo ako at dumistansya na sa mga bata at aking asawa.
Marso 20, Biyernes: Pabalik-balik ang lagnat. Nagsimulang bumagsak ang katawan ko. Nanghina na rin ang aking loob at nakaramdam ng kaunting takot. Sa mga nababasa, napapanood at nakikita ko tungkol sa COVID-19, nagsimula akong mag-alala. Naglalaro ang isip ko. Bata pa ang mga anak ko at kailangan ako ng aking asawa. Paano sila? Hapon na, wala pang tawag ang ospital. Ako na ang tumawag, pero wala pa rin daw resulta. Baka sa Lunes ko pa malalaman.
Marso 21, Sabado: Nawalan ako ng pang-amoy at panlasa. Wala akong ganang kumain, sobrang sakit ng buong katawan at lubos ang panghihina. Mayroon ding lagnat at sakit ng ulo na parang binibiyak. Ito ang peak ng sintomas ko. Pagsapit ng gabi, nakaramdam ako ng paninikip ng dibdib at nahirapan na akong huminga. Isinugod ako ng asawa ko sa ibang ospital. Dali-dali akong inasikaso sa ospital dahil na rin siguro sa pasuray-suray ako at hirap maglakad. Hindi na ako binigyan ng COVID test dahil may pending results pa. Gawa ng hirap sa paghinga, kinuhanan ako ng x-ray. Maya-maya ay sinabihan ako ng doktora na may infection daw ako sa baga, may pneumonia. Niresetahan ako ng gamot at sinabihan na dapat akong bumalik agad kung may maramdaman akong iba o lalong humirap ang paghinga.
Marso 22, Lingo: Nakaramdam ako ng teribleng pananakit ng ulo at katawan, ultimo dulo ng daliri sa paa. Nagsimula rin akong magsuka. Pabalik-balik ang lagnat, pagod na pagod, pero tuloy pa rin ang laban. Sabi ko, patigasan na lang kami ni COVID, matira ang matibay. Huwag lang akong mauuna.
Marso 23, Lunes: Tinawagan ko agad ang HUG. Positive daw. Ipinaalam ko agad sa buong pamilya. Nagsisimula nang mawala ang lagnat ko at medyo mas magaan na ang pakiramdam. Lalo akong nabuhayan ng loob dahil alam kong kasama ko ang Diyos sa aking pinagdadaanan. Sa kinagabihan, patuloy ang pag-ayos ng aking pakiramdam. Nasuka pa rin ako, pero nahihimasmasan pagkatapos.
Marso 24, Martes: Wala na akong lagnat, normal na ang paghinga at nabawasan na rin ng pananakit ng ulo at katawan. Mahina pa rin ako at pagod kahit nakahiga lang. Nanumbalik nang kaunti ang pang-amoy at panlasa, pero nagkaroon pa rin ako ng diarrhea. Nagsisimula nang bumawi ang katawan ko.
Marso 25, Miyerkules: Pakiramdam ko ay nakabawi na ang katawan ko. Wala na ang lagnat at sakit ng ulo. Nabawasan pa lalo ang panghihina at pananakit ng katawan. Sa sumunod pang mga araw, nasa road to recovery na ako. Patuloy na ring naging positibo ang aking pananaw, dahil sa gabay ng Diyos Ama, sa mga utos ng doctor, sa pagmamahal ng aking pamilya, at sa mga nagdadasal sa aking paggaling. Lahat ng ito ay naging susi sa aking pagbangon at paglaban sa sakit na COVID-19.
Naisip ko, ang COVID-19 ay walang pinipili. Pwede kang madapuan ng sakit at mahawahan ng kahit sino, kahit saan, kahit kailan. Ang solusyon sa pagpigil nito ay self-isolation o quarantine. Kapag may nararamdaman, pumunta sa doktor, ospital o Covid-19 Test Center, may papel man o wala. Magagawan ng paraan ang pambayad kahit na walang insurance. Ang importante ay kaligtasan. Sundin ang payo ng doctor.
Ang pinaka-importante, HUWAG MAG-PANIC. Maging kalmado dahil nerbiyos at kaba ang baka maging sanhi ng pagkapahamak.
Gusto kong i-share ang kwento ko para sa mga may sakit ngayon at natatakot, o sa mga walang sakit at nag-iisip kung ano ang dapat i-expect kung magkasakit. Sana ay makatulong. Kapit-bisig tayong mga Pilipino, malalampasan natin ito. END