15 April 2020
Kayo po ba ay undocumented worker na nakakaranas ng sintomas ng COVID-19 (halimbawa, mataas na lagnat, panghihina, at hirap sa paghinga, etc.)?
Muli, huwag po kayong matakot o mag-atubiling lumapit at magpatingin sa medical professional. Hindi patakaran ng mga ospital sa Geneva at Vaud ang mag-report sa immigration; ang importante sa kanila ay matingnan nang maayos ang pasyente para sa ikabubuti ng kanyang kalagayan.
Nakakaramdam po ba kayo ng stress at anxiety dulot ngayon ng COVID-19?
Importanteng alagaan ang sarili habang naka-isolate at lalo na kung magkaroon ng sintomas ng COVID-19. May payo ang World Health Organization sa Pilipinas para sa mental health ng mga frontline workers, pero makatutulong din po ang mga ito sa atin:
- Normal lang na makaramdam ng pagkabigo. Makatutulong kung makikipag-usap sa pinagkakatiwalaang tao tungkol sa nararamdaman.
- Iwasan ang bisyo tulad ng sigarilyo o alak. Mapapalala lang nito ang mental at pisikal na kalusugan.
- Ang pahinga, sapat na tulog, masustansiyang pagkain, gawaing pisikal, at pakikipag-ugnayan sa buhay ay makatutulong sa positibong mental health.
Kung marunong po kayo ng wikang French, ang hotline ng Geneva para sa psychological support at counseling ay 0800 909 400. Makakakuha ng karagdagang impormasyon sa https://www.ge.ch/document/covid-19-ligne-verte-0800-909-400-ouvre-aux-personnes-qui-recherchent-soutien-ecoute.
Kung hindi naman, pwede rin kayong lumapit sa Ugnayang Bayan, na nagtatag ng Task Force on COVID-19. May service patungkol sa pastoral care, psychological support, at medical advice na kasalukuyang inaayos ang Task Force. Bisitahin po ang kanilang Facebook page sa https://www.facebook.com/groups/678132002941090/.
Patuloy po tayong mag-ingat.
END